UPDATES ON THE CRIS MENDEZ CASE
Suspek sa pagpaslang kay Mendez, kakasuhan na.
Toni Tiemsin
Sapat na umano ang ebidensyang hawak ng awtoridad para maghain ng kaso ngayong buwan laban sa mga suspek sa pagpatay kay Cris Mendez, biktima ng hazing sa kamay ng mga hinihinalang kasapi ng Sigma Rho Fraternity (SR).
Ayon kay Roger Sususco, special investigator ng anti-terrorism Division ng National Bureau of Investigation (NBI), hinihintay na lamang nila ang testimonya ni Chief Inspector Filemon Porciuncula, medico-legal officer ng Quezon City Police District Crime Laboratory Office na nagsagawa ng autopsy kay Mendez, bago tapusin ang kanilang ulat at tuluyang magsampa ng kaso sa susunod na dalawang linggo.
Hindi pa masabi ni Sususco kung sino ang mga sasampahan at kung ano ang mga kasong ihahain laban sa kanila, ngunit maaari umanong makasuhan ang ilang mga nasangkot sa kanilang imbestigasyon.
Ilan sa ipinatawag sa imbestigasyon ng NBI ay mga opisyal ng Sigma Rho na sina Raul Grapilon at Ronald Chua, gayundin ang ilang miyembro nitong sina Ryan Bacay, Crispin Calimson, Reggie Agustin at Andoni Santos, pawang hinihinalang sangkot sa naganap na hazing.
Ipinatawag din ng NBI si Mikko Borra, estudyante ng UP na anak ng may-ari ng bahay na pinagdausan ng hazing. Naimbitahan din ang mag-amang Dr. Francisco at Miguel Cruz, na miyembro rin ng Sigma Rho.
Ayon kay Sususco, magkasama umanong nagsasmpa ng kaso ang NBI at QCPD matapos silang magkasundong magtulungan sa imbestigasyon.
Ani Atty. Joselito Olivares, abogado ng pamilya Mendez, lumalabas na mga miyembro umano ng Sigma Rho ang salarin sa pagkamatay ni Mendez batay sa ebidensyang nakalap ng NBI. Dagdag niya, inaasahan niyang lalabas na suspek ang mga nabanggit sa pahayagan.
…
Ayon kay Olivares, tuloy ang kasong isinampa nila sa Quezon City Regional Trial Court noong Oktubre 22 laban kay Cruz, dahil hindi umano nito ipinaalam agad sa pamilya ni Mendez ang sinapit ni Cris. Kasamang sinampahan ng kasong sibil sina Myrna at Miguel, mag-ina ni Cruz. Humingi umano ang pamilyang Cruz ng hanggang Disyember 14 para makasagot sa pamamagitan ng abogado.
Aniya, may mga taong lumalapit sa kanya upang aregluhin ang kaso, subalit hindi umano sila pumapayag. “Kahit pag-uusap lamang ay hindi mangyayari hangga’t hindi lumalantad ang mga maysala sa pagkamatay ni Mendez”, dagdag niya.
Samantala, dinidinig pa rin sa Student Disciplinary Tribunal ang kasong isinampa ng administrasyon ng UP laban sa 14 na opisyal ay miyembro ng Sigma Rho dahil umano sa paglabag ng rules on hazing and misconduct ng Unibersidad.
**ang artikulo na ito ay mula sa Philippine Collegian, December 7, 2007 (Friday)
0 Comments:
Post a Comment
<< Home